Kakaibang Tanong

Napakaraming tanong na ang natanggap ko sa tanang araw ko. Karamihan ay nasasagot ko agad nang kampante at may ilan na natatagalan ako sa pag-iisip ng tamang salita na gagamitin. Ngunit may isang tanong na dumating sa akin nitong linggo na hindi ko maalis sa aking isipan.

“Neng, masaya ka naman?”

Ani ng isang guro na kasama namin sa silid habang nagbabalot ng bigas at de lata noong nakaraan. Abala kami noon sa school community pantry namin. Akala ko pa noong una ay iba ang kausap niya kaya hindi ako umimik. Lumingon ako sa ikalawang ulit habang sinasabi, “Nasanay na po sa pagpapalaki rin sa akin”. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko sinagot nang maayos ang tanong pero buti na lang ay inulit ni Ma’am. Tumango ako, ipinapahiwatig na masaya ako sa ginawa kong pagtulong.

Ilang araw nang patuloy na sumasagi sa isip ko ang tanong na ‘yon. Hindi dahil ‘di ako sigurado sa binigay kong sagot kundi dahil parang may kakaiba. Sino bang hindi masaya na makatulong sa kapwa? Nakabusangot ba ako habang nagbabalot kaya naitanong sa akin ‘yon ni Ma’am? Nagtaka ako. Pero unti-unti ko ring nauunawaan kung bakit ‘yon tinanong ni Ma’am.

Maraming takot lumabas ngayon. Takot mahawaan. Nagdadalawang isip na tumulong sa labas ng tahanan dahil sa pandemya. Marami kaedad ko ang pipiliing magkulong sa bahay. Maglaro, matulog at tumambay dahil walang pasok. Ang kasiyahan nila ay natatagpuan nila online o sa komportableng pamumuhay sa loob ng tahanan nila. Marahil akala ni Ma’am ay napipilitan lang akong pumunta ng eskwelahan at tumulong dahil may posisyon ako bilang lider. Na mas gugustuhin kong sa bahay na lang buong buwan, buong taon.

Mali.

Ligayang hatid ng bawat “salamat po, makakatulong po ito sa amin” ang nag-uudyok sa akin na sumama. Ang liwanag sa mata at sabik na tono ng mga nababahagian namin ang nagsasabi sa akin na nababawasan kahit papano ang kanilang pag-aalala sa kung ano ang kakainin bukas makalawa.

Kaya oo, masaya ako na sa bawat takal ng bigas na ibinabalot ko ay isang takal din ng kanin ang makakain ng kapwa kong makakatanggap nito.

Sa bawat gulay, kape, biskwit at tinapay na ibinibigay ay enerhiya ang hatid sa kapwa kong patuloy na kumakayod sa araw-araw.

Sa bawat supot ng pagkain at gamit ay pag-asa ang naibabahagi sa kapwa kong ipinagpapatuloy ang buhay.

Walang alinlangan.

“Opo Ma’am. Masayang masaya.”

Published by R. K.

A youth trying to understand life

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Create your website with WordPress.com
Get started
%d bloggers like this: