Sa tuwing iniisip ko ang kahihinatnan ng binubuo nating relasyon, ‘di ko maiwasang ngumiti. Ito pala ang pakiramdam na makahanap ng taong gusto mong makasama sa bawat bundok at lambak ng buhay.
Hindi pala puro kilig ang pag-ibig, may kirot ding kaakibat ang pagmamahal nang tapat.
Higit kong nararamdaman ang ligaya sa bawat surpresa na hinahanda mo. Mula sa mga pisikal na regalo hanggang sa mga pagkilos mong nakakapanibago. Siguro’y hindi ko na talaga makakalimutan kung paano mo ako inakbayan sa sinehan. Unti-unti kong natutuklasan ang bahagi ng pagkatao mong hindi umiilag sa haplos ng aruga mula sa iba. Sayo pa mismo nanggagaling, nakakatuwa.
Nakakatuwa na nakakatakot.
Kasi baka masyado akong masanay sa presensiya mo. Dito ko na lubos na nararamdaman ang kirot. Mula sa pag-aalala na baka isang araw, maglaho ang nararamdaman mo para sa akin. Kinakabahan ako na bigla kang tumiklop at mapangunahan ng takot o ‘di kaya’y maumay ka sa pinaparamdam kong alaga. Mahirap hindi maluha.
Ngunit ano pa man ang kahahantungan natin, nasasabik ako.
Sabik akong mas makilala ka
Kung paano ba kita mapapasaya
Paano kita mapapatahan
Paano kita matutulungang maabot ang mga pangarap na bitbit mo hanggang ngayon
Sabik din akong ipakita sayo kung sino ako
Kung anong nagpapangiti at nagpapangiwi sa akin
Bakit ako may peklat sa kanang bahagi ng aking binti
Saan ko nakikita ang sarili ko sa hinaharap
Hindi ko alam kung paano pero nasasabik ako, sa kinabukasan na mayroong tayo.