Liham Kay Tatay

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dahilan ng iyong paglisan. Ngunit huwag mo sanang isipin na ako’y puno ng galit at hinanakit sa’yo. Lumaki akong mabilis magpatawad. Ayaw kong mapuno ng kasamaan ang aking puso kaya’t kung ano man ang iyong rason ay tatanggapin ko.

Hindi ko tanda kung nasilayan ba kita noong ako’y sanggol pa. Minsan ay napapaisip ako kung ano ang anyo ng iyong mukha. Ano kaya ang mga bagay na namana ko sa iyo? Wala akong ideya kung saang parte ng mundo ka naninirahan. Hindi rin ako sigurado kung ikaw ba’y nabubuhay pa dahil wala na kaming balita sa iyo. Tay, minsan ba’y napapaisip ka kung ano na ang nangyari sa akin? Sa amin ni Mama?

Nais kong malaman mo na masaya at kontento ako sa buhay ko ngayon. Hindi man ako lumaki ng may haligi ng tahanan, isang dakila at mapagmahal na Ama naman ang nakilala ko. Siya rin ang nagpatibay kina Mama at Tita na siyang nagpalaki sa amin ng aking pinsan sa abot ng kanilang makakaya. Hiling ko na maayos at makulay pa rin ang buhay mo. ‘Wag ka sana manigarilyo at mag-inom dahil masama sa kalusugan ‘yan.

Lubos pa rin akong matutuwa kapag nagkita tayong dalawa. Sa pagkakataong iyon ay maipapamalas ko sa’yo ang mga naabot ko habang ako’y naglalakbay sa mundo. Maipapakita ko sa iyo kung gaano katalino at kasipag ang anak mo. Higit sa lahat, mababahagi ko sa’yo kung paano ako pinagpala ng Diyos sa buhay ko.

Mahal na mahal kita Tay!

Published by R. K.

A youth trying to understand life

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started